HS LRC

Tampok na Guro para sa Buwan ng Nobyembre : G. John Carlo Gloria (HS Filipino)

Sa bawat pa buklat nitong aklat
Ay may mga matang namumulat.
Sa mga titik na nakasulat,
Libong lihim ang nasisiwalat.

-JC Gloria

Si John Carlo S. Gloria ay ipinanganak at lumaki sa Sta. Mesa, Maynila at bunso sa dalawang magkapatid. Nagmula siya sa isang karaniwang pamilyang middle class. Wala siyang masasayang kuwento ng pagkabata gaya ng iba dahil laging kulang ang kanyang pamilya. Overseas Filipino Worker ang kanyang ama kaya’t malabo ang konsepto niya sa pagkakaroon ng isang tatay sa bahay. Dahil nga di maalawan ang pamumuhay ay hindi prayoridad ng pamilya ang pagbili ng mga aklat. Hindi niya nakamulatan ang kultura ng pagbabasa o paghanga sa mga libro. Kanyang napagtanto ang hilig sa libro at pagbabasa nang magmedyor sa Filipino sa pamantasang kanyang pinasukan. Doon siya ay napilitan, at kalauna’y napahanga sa mahika ng pagbabasa ng mga aklat. Doon niya rin natukoy ang sariling panlasa sa mga binabasang aklat. Hindi siya panatiko ng mga science fiction na babasahin at ng mga pantastikong mga kuwentong kinapapalooban ng mga salamangka, taong-lobo at bampira. Mas nagustuhan niya ang mga aklat na may sensibilidad at pagkiling sa mga panlipunan at mga pantaong usapin.

Nagtapos si JC ng Batsilyer ng Pansekundaryang Edukasyon, Medyor sa Filipino sa Pamantasang Normal ng Pilipinas at kasalukuyang kumukuha ng Sining sa pagka-masterado sa Pagtuturo ng Panitikan, Medyor sa Filipino sa Ateneo de Manila University. Bukod dito ay mayroon din siyang mga tulang nalimbag at nailathala. Si Ginoong Gloria ay kasalukuyang guro ng Filipino sa baitang 10.

Nov_Gloria

Kahit abala sa trabaho, pag-aaral at ekstra-kurikular na aktibidades, nagiging isang pagtakas at pagpapahinga para kay JC ang pagbabasa. Kaiba sa iniisip ng karamihan na ang pagbabasa ay kumakain ng mahabang oras kaya inaayawan, ang pagbabasa para sa kanya ay isang pampuno ng araw. Sa mga panahong napapagod sa trabaho at / o sa pag-aaral ay inaabanduna nya ang mga ito pansamantala at nagbubuklat ng aklat. Hindi niya rin pinipilit ang sarili na basahin nang buo sa isang upuan ang isang aklat. Sa oras na maramdaman nyang sapat na sa kanya ang nababasa, humihinto na sya. Dahil sa kanyang mga klase ng Basic Filipino at PAA na ginaganap sa HSLRC ay mas lantad siya sa mga bagong aklat, madalas hindi niya mapigilan na huminto para tingnan at buklatin ang mga ito lalo na ang mga Koleksiyon ng Filipinyana.

Isa sa mga paboritong libro na nabasa ni JC mula sa HSLRC ay “Si Janus Silang at ang tiyanak sa tabon”. Isang istoryang mag-iiwan sa’yo ng naghahabulang kabog ng dibdib, bulabog na isip, nangatayong balahibo dahil sa kilabot. Sa simula pa lang ng aklat ay mamumulagat kang agad sa serye ng mga pangyayari. Itatabi mo ang ‘yong sarili kay Janus Silang na susuong sa magkakasunod na tanong, tulalang pagtataka at aprehensibong imbestigasyon. Sa linaw ng detalye ng paglalarawan ay awtomatikong bubuo ang ‘yong isip ng mga imaheng magpapakilabot sa ‘yo. Makailang beses mo ring isasara pansamantala ang aklat para mag-isip, uminom ng tubig at tumingin at makiramdam sa sarili’t sa paligid. Minsan pang nagbangon ang Tiyanak na minsan nang nagligaw kay Daniel (sa Walong Diwata ng Pagkahulog) para hindi lang basta manlinlang kundi upang magsakatuparan ng lalong imortalidad nito. Nagawa ni Dr. Samar na bigyang-buhay muli ang mga kuwentong-bayan at katatakutan at isanib sa sityo ng kulturang popular na kinalulubluban ng kabataan. Katulad ng “Sa Kasunod ng 909”, nagawa niyang makapaghabi ng mga pangyayari upang makabuo ng isang alamat na muling yayanig sa ‘yong isip at lalong magpapakapit sa ‘yo upang tapusin ang akda. Sa huling dalawang kabanata ay parang hinahalukay ang bituka’t lamanloob mo sa tindi ng aksyon sa akda. At sa pagwawakas ng unang aklat ay iiwan ka nitong ligalig na naghahanap agad ng karugtong, nagtatanong, nakikisimpatya, nakikihati sa dilang-karayom ng mananaggal na nakatarak sa puso at nakikimura sa kampon ng Tiyanak na nagwasak sa minsang buo pang mundo ni Janus Silang. Isa itong panandang-bato sa ‘ting panitikan na maaaring maging lunan ng mga pag-uusap sa akademya’t silid-aralan.

Correspondence and images by: Ms. Dianne Lo

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s